Kidnaper na Abu Sayyaf, sumuko
MANILA, Philippines — Sumurender ang isang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na nahaharap sa samutsaring kasong kriminal kabilang ang kidnapping for ransom (KFR) sa Zamboanga City, ayon sa ulat kahapon.
Batay sa report ng Police Regional Office (PRO) 9, kinilala ang sumukong Abu Sayyaf Group extremist sa alyas na “Mundi”, 33-anyos, residente ng Patikul, Sulu.
Si Mundi ay sumuko kamakailan sa himpilan ng Camp Colonel Romeo Abendan, ang punong tanggapan ng Police Regional Office (PRO) 9 sa Zamboanga Peninsula na matatagpuan sa Mercedes Village, Zamboanga City.
Ayon sa pulisya si Mundi ay may warrant of arrest sa mga kasong kidnapping and serious illegal detention, frustrated murder at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022 na inisyu ng lalawigan ng Zamboanga del Norte.
Ang grupo ni Mundi ay sangkot sa paghahasik ng terorismo kabilang na kidnap-for-ransom, pagpatay ng mga sibilyan at sundalo kabilang ang mga pinugutan ng ulo, extortion at iba pa.
Itinurnover naman ni Mundi sa pulisya ang isang 7.62 caliber M1 garand rifle na gamit nito sa kilusan ng ektremistang grupo.
Isinailalim na sa kustodya ng Regional Intelligence Division ng Police Regional Office-Zamboanga Peninsula ang sumukong ASG na isinalang sa tactical interrogation.
- Latest





















