Anak inaresto sa panunutok ng baril sa ina
SCIENCE CITY OF MUÑOZ, Nueva Ecija , Philippines — Dinakip ng mga rumespondeng pulis ang isang lalaking nagwala at nanutok umano ng baril sa kanyang 47-anyos na ina na kung saan ay nakuhaan pa ito ng nasa P1-milyong halaga ng “kush” o high-grade na marijuana sa isang operasyon noong Sabado ng gabi sa Brgy.Catalanacan.
Sa ulat na nakarating sa pulisya na sila ay nakatanggap ng tawag sa telepono mula sa isang residente sa umano’y insidente ng panunutok ng baril sa lugar.
Mabilis na rumesponde ang mga otoridad at agad na naaresto ang 27-anyos na anak ng biktima na nagtangkang tumakas gamit ang kanyang kotse.
Nakumpiska ang walang lisensiyang cal.9mm pistol ng suspek na may limang bala at high-grade marijuana kush, mga dahon ng marijuana, iba’t ibang pakete ng sigarilyong marijuana, mga vape cartridge at iba pang derivatives na may kabuuang tinatayang halaga na P938,000.
Ang naarestong suspek na nasa kustodiya ng pulisya ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
- Latest


















