67-anyos, kinatay ng desperadong kapitbahay!

MANILA, Philippines — Brutal ang sinapit na kamatayan ng isang 67-anyos na matandang lalaki matapos na pagtatagain hanggang sa mamatay ng kapitbahay nito sa malagim na insidente sa Brgy. San Rafael, Hinoba-an, Negros Occidental kamakalawa.
Kinilala ang biktima na si Jesus Flores, ang suspect ay nakilala namang si Ray Duran, 41-anyos; pawang residente ng nasabing barangay.
Sa ulat ng Negros Occidental Police, ang biktima ay nakaupo sa labas ng kanilang tahanan nang biglang dumating ang suspect.
Walang sabi-sabing bigla na lamang hinugot ng suspect ang isang matalim na itak na nakasukbit sa kaluban sa tagiliran ng kaniyang baywang saka inundayan ng sunud-sunod na taga ang nasabing matanda.
Ang biktima ay duguang napalupasay sa tinamong mga taga sa ulo, dibdib at mga braso na bagaman at nagawa pang maisugod sa hospital ay kapwa idineklara na silang dead-on-arrival sa pagamutan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, desperado umano ang suspect simula nang mamatay ang ama nito at palaging nag-iinom.
Nasakote naman ng mga nagrespondeng operatiba ng pulisya ang suspek habang nagwawala sa tahanan nito.
Kalaboso na ngayon ang suspek sa detention facility ng Hinoba-an Municipal Police Station (MPS) ang suspect na nahaharap sa kasong kriminal.
- Latest















