Delivery rider todas sa Russian roulette
MANILA, Philippines — Isang 23-anyos na Lalamove rider ang nasawi nang magsagawa ng Russian roulette nang pumutok ang baril na itinutok sa kanyang ulo habang nakikipag-inuman sa loob ng kanilang bahay sa Ramblers Villa Esperanza, Brgy. Molino 2, Bacoor City, kamakalawa.
Hindi na naisalba pa ang buhay ng biktima na kinilalang si alyas “Nory”, binata makaraang tumagos ang bala sa ulo nito.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-2:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng kanilang bahay ang biktima at nakikipag-inuman sa mga kaibigan at ilang kamag- anak nito nang masaksihan ang umano’y paglalaro ng biktima sa isang maiksing baril.
Marahil ay dahil na rin sa kalasingan nito at lakas loob na itinutok ang hawak na baril sa kaniyang ulo at kinalabit.
Butas ang ulo ng biktima at duguan itong bumulagta na ikinagulat ng mga kasama.
Naitakbo sa Molino Doctor Hospital ang biktima subalit hindi na ito naisalba pa.
Sa pagresponde ng pulisya sa lugar ng insidente, hinanap ang baril na ginamit na umano’y itinago agad ng isa sa nakasaksi sa ilalim ng kama dahil sa takot.
Kasalukuyan inaalam ng pulisya kung sino ang nagmamay-ari ng nasabing baril na ginamit ng biktima.
- Latest




















