Gasoline boy todas sa love triangle
MASBATE CITY, Masbate, Philippines — Patay ang isang gasoline boy matapos pagbabarilin ng isa sa tatlong riding suspects sa pinagtatrabahuhang gasoline station sa Sitio Cagba, Brgy.Tugbo, Masbate City, Masbate kamakalawa ng gabi.
Napuruhan ng punglo sa ibat-ibang bahagi ng katawan at agarang nasawi ang biktimang si Jun, 23-anyos habang tumakas pero mabilis na naaresto ng mga rumespondeng pulis ang dalawa sa mga salarin na kinilalang sina Elmer at James. Patuloy na tinutugis ang isa pa na nakilalang si Eduardo.
Sa ulat, alas-8:00 ng gabi habang nakaupo ang biktima sa gas station ay dumating ang mga suspek na magkakaangkas sa motorsiklo at umaktong magpapagasolina.
Gayunman, bumaba ang isa sa angkas na si James na bumunot ng baril at walang kaabug-abog na pinutukan ng ilang ulit ang biktima na agarang nasawi.
Lumabas sa imbestigasyon na motibo sa pamamaslang ay love triangle kung saan isa sa suspek ay karibal ng biktima.
Narekober ng mga pulis sa lugar ng pamamaril ang apat na basyo ng Kalibre 45 habang hindi nabanggit kung narekober din ang mismong baril na ginamit.
- Latest


















