Bahay nabagsakan ng puno: 5 patay!

CAMP NAKAR, Lucena City , Philippines — Limang magkakaanak ang namatay nang mabagsakan ng nabuwal na puno ng buli ang kanilang bahay sa Brgy. Cawayanin, Pitogo, Quezon kahapon ng umaga.
Ayon sa inisyal na report ng Pitogo Police na ipinadala kay Quezon Police Provincial Office (QPPO) Director PCol. Romulo Albacea, kabilang sa mga nasawi ang magkapatid na bata na isang 11-anyos na lalaki at isang 5-buwang gulang na sanggol na lalaki.
Nasawi rin ang kanilang ina at ama na kapwa 35-anyos at ang kanilang 66-anyos na lolo.
Base sa imbestigasyon, bandang alas-5:30 ng umaga habang nananalasa ang bagyong Ramil ay nasa loob ng kanilang bahay ang mga biktima nang mabuwal ang malaking puno ng buli at tuluy-tuloy itong bumagsak sa bahay kung saan nasa loob ang mga biktima na naging sanhi upang sila ay agarang mamatay.
Mabilis namang nagresponde ang mga barangay officials at mga kawani ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at isa-isang hinugot at inilabas sa nawasak na bahay ang mga biktima.
- Latest



















