Obrero, kinatay sa harap ng bebot sa barracks
CAVITE, Philippines — Hindi na nakuhang tapusin ng isang obrero ang kaniyang almusal makaraang bigla siyang pasukin ng isang lalaki na armado ng patalim saka siya inundayan ng sunud-sunod na saksak sa loob ng kanilang barracks, kamakalawa sa Brgy. Mambog 4, Bacoor City.
Dead-on-the-spot ang biktima na kinilala sa alyas “Ed”, 32-anyos at stay-in construction worker sa JJM Barracks sa Brgy Mambog 4, Bacoor City Cavite.
Nakatakas naman ang suspek matapos ang pananaksak na kinilala sa alyas na Alvaro, 40-anyos, residente ng Mutya Compound, Brgy. mambog IV, Bacoor City, Cavite.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-6:30 ng umaga nang maganap ang insidente habang nasa loob ng barracks ang biktima kasama ang isang babae na siyang tumayong witness na kinilala sa alyas “Diane”.
Lumalabas na magkasabay na kumakain ng almusal ang dalawa nang biglang pasukin ng suspek na armado ng patalim at sunud-sunod na inundayan ng saksak ang biktima.
Duguang humandusay ang biktima sa mga tama ng saksak habang mabilis na tumakas ang suspek na tinutugis na ng pulisya.
- Latest

















