Quezon province nakaalerto sa lindol
LUCENA CITY , Philippines — Nakaalerto ang buong lalawigan ng Quezon sa posibilidad ng pagtama ng malakas na lindol, kasunod ng kamakailang pagyanig sa Cebu na nagdulot ng pag-aalala sa publiko.
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), malapit ang Quezon province sa East at West Valley Fault, na maaaring magdulot ng malakas na lindol sa hinaharap.
Binanggit ni Neil Parco, opisyal ng PDRRMO, na may mataas na posibilidad na maapektuhan ang Quezon kung tumama ang “The Big One” sa Metro Manila.
“Kung mangyari sa Maynila, ramdam at maaapektuhan din ang Quezon. Dagdag pa rito, malapit tayo sa Philippine Trench, kaya tumataas ang panganib sa lalawigan,” paliwanag ni Parco.
Mayroon din aniyang mga aktibong fault line sa Quezon, kabilang ang Infanta Segment Fault at Ginyangan Segment Fault.
Naitala sa kasaysayan ang Quezon bilang apektado ng malalakas na lindol tulad ng Casiguran Earthquake noong 1968 (7.3 magnitude) at Ragay Gulf Earthquake noong 1973 (7.4 magnitude), na nagdulot ng pagkasawi at pinsala sa mga residente, partikular sa bayan ng Calauag.
Tiniyak ng PDRRMO na handa ang lalawigan sa anumang kalamidad o sakuna.
“Sa bawat barangay, may nakatalagang Barangay Disaster Officers upang gabayan ang mga residente sa tamang paghahanda. Lahat ito ay nakatuon sa kamalayan at disiplina ng mamamayan,” ani Parco.
- Latest

















