Tiyo inutas ng pamangkin sa love triangle!
MANILA, Philippines — Dahil sa matinding selos, pinagbabaril at napatay ng isang mister ang kaniyang tiyuhin sa Minglanilla, Cebu, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang napatay na tiyuhin sa pangalan lamang nitong “Chard”, 47-taong gulang habang ang suspect na pamangkin nito ay kinilala naman sa pangalang “Jay”, 40-anyos.
Sa report ng Cebu Provincial Police Office (PPO), nangyari ang insidente sa Brgy. Cuanos, Minglanilla noong Linggo habang ang biktimang si Chard ay abala sa paglalaro ng bilyar.
Dito’y biglang dumating ang pamangkin ng biktima at kinompronta ang kaniyang tiyuhin at ilang saglit pa ay umalis ang suspect pero muling bumalik sa bilyaran.
Armado ng cal. 38 revolver ay tinutukan nito ng baril ang tiyuhin saka kinalabit pero hindi pumutok ang una nitong pagtatangka kaya hinampas siya sa ulo ng cue stick na gamit sa paglalaro ng bilyar ng biktima.
Sa puntong ito, muling kinalabit ng suspect ang gatilyo ng armas at pinaputukan sa dibdib ang tiyuhin na duguang bumagsak at nasawi noon din sa insidente.
Lumilitaw sa imbestigasyon na may matinding alitan ang suspect at biktima dahil sa ang live-in partner ng suspek ay nakipagrelasyon sa kaniyang tiyuhin na siyang sinisilip na motibo ng krimen.
- Latest















