Crew ng convenience store nag-dive sa falls, naglaho

CAVITE, Philippines — Patuloy ang isinasagawang search and rescue operation ng mga awtoridad sa isang 26-anyos na crew ng isang convenience store na nilamon ng ilog makaraang mag-dive sa falls habang naliligo kasama ang mga kaibigan kamakalawa sa Brgy. Mabato, bayan ng Maragondon, dito sa lalawigan.
Kahapon ay hindi pa rin natatagpuan ang katawan ng biktima na kinilala sa alyas na “Bert”, 26-anyos, empleyado ng kilalang convenience store at residente ng Brgy. Raja Bago, Tondo, Manila.
Sa ulat ng pulisya, alas-3:50 ng hapon nang mag-outing ang magkakaibigan kasama ang biktima sa Ragatan Falls/River sa Brgy. Mabato, Maragondon.
Nasa kasarapan umano sila ng paliligo nang mag-dive ang biktima. Noong una, hindi umano nila ito pinansin subalit nag-alala na sila nang hindi na lumutang ang biktima.
Nagtulong-tulong ang magkakaibigan na sumisid at hanapin ang biktima subalit masyado umanong malalim ang ilog kung kaya hindi nila ito natagpuan.
Agad silang humingi ng rescue sa pulisya at Philippine Coast Guard na nagsasagawa na ng paghahanap sa biktima.
- Latest



















