2 patay sa pamamaril sa Cavite
CAVITE , Philippines — Dalawang lalaki ang kumpirmadong patay sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril, dito sa lalawigan kamakalawa.
Droga ang anggulong tinitingnan ng pulisya sa pagbaril at pagpatay sa biktimang kinilala sa alyas na “Joel”, 43-anyos, jeepney driver, at residente ng Brgy. Molino 2, Bacoor City, Cavite.
Sa ulat ng pulisya, alas-6:45 ng gabi ng maganap ang insidente sa Villa Esperanza, Brgy. Molino 2, Bacoor City, naglalakad ang biktima nang pagbabarilin ng suspek na si alyas “Batas” bago mabilis na tumakas.
Sa pagresponde ng pulisya, naabutan nila ang duguang biktima na nakahandusay at narekober sa tabi nito ang isang plastic sachet na naglalaman ng shabu.
Samantala, alas-7:05 ng gabi nang pagbabarilin ng riding-in-tandem ang isang 28-anyos na lalaki habang nakatayo sa tapat ng tindahan ng fried chicken sa loob ng Bella Vista Subdivision sa Brgy. Santiago, Gen. Trias City.
Kinilala ang biktima sa alyas na Hamin, 28-anyos, residente ng nasabing subdivision.
Hindi naman nakilala ang dalawang suspek na magkaangkas sa itim na NMAX at ang driver nito ay nakasuot umano ng “Joyride” uniform na asul na long sleeves habang ang gunman ay nakasuot ng puting polo shirt.
Wala pang motibo sa nasabing insidente at patuloy ang imbestigasyon ng pulisya.
- Latest






















