Rocket debris ng China, bumagsak malapit sa karagatan ng Palawan
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Philippine Space Agency (PhilSA) na bumagsak ang debris o mga bahagi ng Long March 12 rocket ng China sa karagatang sakop ng Pilipinas malapit sa Palawan, kamakalawa ng gabi, Agosto 4.
Ang debris ay bumagsak sa loob ng 21 nautical miles mula sa Puerto Princesa at 18 nautical miles mula sa Tubbataha Reefs Natural Park, mga lugar na sakop ng exclusive economic zone ng bansa.
Ayon naman sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI)-Puerto Princesa City District Office (PUERDO) na ang malakas na pagsabog mula sa kalangitan ay nagdulot ng pagkabahala sa mga residente na ang inilarawan nilang tunog ay malalim at sumasalubong o “reverberating boom na unang inakalang may pangyayari sa himpapawid o kaya ay lindol (seismic).
Wala pang naiulat na pinsala o nasaktan ngunit ang insidente ay nagdulot ng pansamantalang alarma, lalo na sa mga barangay sa baybayin.
Inulit ng ahensiya ang babala sa publiko laban sa panganib ng rocket debris na sakaling mamataan, ay pinapayuhan na huwag hawakan o kolektahin ang anumang makitang debris dahil maaaring nagtataglay ito ng nakalalasong sangkap tulad ng rocket fuel, sa halip, agad na ipagbigay-alam sa mga otoridad.
- Latest


















