8 rebelde dedo sa engkuwentro sa Samar

MANILA, Philippines — Umiskor ang tropa ng mga sundalo matapos mapaslang ang walong pinaghihinalaang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa dalawang magkahiwalay na bakbakan sa liblib na lugar sa bayan ng Las Navas, Northern Samar, ayon sa opisyal nitong Sabado.
Sa report ng tanggapan ni Major Gen. Adonis Orio, Chief ng Army’s 8th Infantry Division (ID) at Joint Task Force (JTF) Storm ang bakbakan ay magkasunod na naganap nitong nakalipas na dalawang araw.
Bandang alas-2:30 ng madaling araw nang maitala ang unang bakbakan sa Brgy. San Isidro ng bayang ito matapos na makatanggap ang mga sundalo ng intelligence report hinggil sa presensya ng grupo ng NPA rebels na nangongotong sa mga residente ng mga alagang hayop at iba pang pagkain.
Sa nasabing sagupaan, pitong rebelde ang magkakasunod na tumimbuwang na ang mga bangkay ay inabandona ng mga nagsitakas nilang kasamahan.
Narekober sa encounter site ang anim na matataas na kalibre ng armas at mga personal na kagamitan ng komunistang grupo.
Ganap na alas-10 ng umaga nang sumunod namang makasagupa ng Army’s 803rd Infantry Brigade ng Philippine Army ang isang pulutong na grupo ng mga rebelde habang tumatakas. Dito’y nagkaroon ng sagupaan na ikinasawi ng isa sa mga kalaban. Narekober sa encounter site ang isang R4 rifle at maging ang bangkay ng napatay na rebelde.
- Latest















