Higit 200 stude sa Antique hinimatay, naospital

Nakalanghap ng ‘expired’ insecticide
MANILA, Philippines — Mahigit 200 estudyante sa elementarya at high school sa isang barangay sa Antique ang isinugod sa pagamutan matapos mahimatay at manikip ang dibdib nang makalanghap ng nakalalasong kemikal na sinasabing “expired” na insecticide.
Sa Facebook post ng Antique Western Visayas Region VI, mula sa naturang kabuuang bilang, nauna nang iniulat bandang ala-1:20 ng hapon kahapon na nasa 106 mag-aaral mula sa Pis-anan National High School at Pis-anan Central School sa Sibalom, Antique ang naisugod sa Ramon Maza Memorial District Hospital sa Sibalom habang ang iba ay dinala sa Angel Salazar Memorial General Hospital sa San Jose, Antique.
Ayon sa ulat, ang mga mag-aaral ay dumaing ng pagkahilo, paninikip ng dibdib at nahihirapang huminga kasunod ng pagkakalanghap nila ng mabahong kemikal mula sa isang insect spray na matapang at nakakahilo ang amoy.
Kasunod nito, isa-isang hinimatay ang mga estudyante bunsod upang isugod sila ng rescue team sa pagamutan.
“Initial accounts suggest that the symptoms were triggered by a strong foul odor emanating from an alleged insecticide spray,” ayon sa report ng Antique Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Ang mabahong amoy ng insecticide spray na hinihinalang expired na ay mabilis na kumalat sa buong premises ng naturang eskuwelahan lalo na sa mga klasrum at palaruan ng mga bata.
Bunsod nito, sinuspinde ang mga klase sa nasabing iskul at sa mga katabing paaralan habang nagdeklara na rin ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) ng “red alert level” status sa bayan ng Sibalom dahil sa pangyayari.
Nangako naman sina Antique Gov. Paolo Javier at Rep. AA Legarda na sasagutin ng pamahalaang panlalawigan ang medical bills ng mga estudyanteng biktima
- Latest
















