Babaeng masahista pinatay, ibinaon ng kustomer!
Tumanggi sa ‘extra service’
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Isang bangkay ng babaeng masahista na umano’y tumangging magbigay ng “extra service” sa kanyang parokyano ang nadiskubre ng mga caretaker sa isang farm sa Norzagaray, dito sa lalawigan.
Sa report ng Norzagaray Police, natagpuan ng mga katiwala ng isang farm ang bangkay ng hindi pa kilalang babae bandang alas-7:30 ng umaga noong Hunyo 27 sa isang farm sakop ng Kaypiskal road, Brgy.Tigbe.
Ayon sa pulisya, itinawag sa kanila ng mga caretaker ang naturang impormasyon kaya agad silang rumesponde at nang makarating sa lugar ay tumambad sa kanila ang bangkay ng babaeng nakasuot ng black shirt na bahagyang nakalibing sa likurang bahagi ng farm.
Sa impormasyong nakalap, nagsagawa ng magdamagang follow-up at hot pursuit operation ang pulisya hanggang sa matunton at mahuli ang suspek na si alyas “Tano” sa Brgy. District IV, Lemery, Batangas.
Ayon sa imbestigasyon, pinapunta umano ng suspek ang masahistang si alyas “Mari” ng Brgy. San Martin, San Jose Del Monte City sa kubo ng farm para magpamasahe subalit kulang ang ibinayad nito at hindi ito pumayag makipagtalik sa kanya na naging dahilan ng kanilang pagtatalo.
Dahil dito, sinampal ng babae ang suspek kaya gumanti at pinalo naman niya ng bato, hinataw ng bareta sa ulo, at pinagsasaksak saka inilibing ang bangkay sa kalapit na kubo upang itago ang krimen.
Nadiskubre lamang ang karumal-dumal na krimen nang makita ng mga katiwala ng farm ang kakaibang nakaumbok na lupa na kanila namang nakatuwaang hukayin hanggang sa bumulaga sa kanila ang bangkay ng babae.
Narekober din sa lugar ang pala na ginamit sa paghukay sa lupa at ang cellphone ng biktima mula sa suspek na nahaharap sa kasong murder habang nakakulong na sa naturang istasyon ng pulisya.
- Latest

















