Bulkang Kanlaon, 23 beses niyanig – Phivolcs

MANILA, Philippines — Nagtala ng 23 volcanic earthquakes ang Bulkang Kanlaon sa Negros kabilang na ang 9 volcanic tremors na tumagal ng dalawa hanggang 15 minuto sa nakalipas na 24 oras.
Ayon sa Phivolcs, bukod dito, nagtala ang bulkan ng anim na beses na pagbuga ng abo mula sa bunganga ng bulkan na may tagal na 9 hanggang 122 minuto.
Nagluwa rin ang bulkan ng 1,283 tonelada ng asupre at walang patid na pagsingaw na may taas na 500 metro at panaka-nakang pag-abo na napadpad sa kanluran-timog-kanluran ng bulkan.
Ayon sa Phivolcs, patuloy ang pamamaga ng naturang bulkan kung kaya ipinagbabawal pa rin pagpasok ng sinuman sa loob ng 6-kilometer radius mula sa tuktok ng bulkan at paglipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan dulot nang maaaring maganap dito tulad ng biglaang pagsabog,pagbuga ng lava, pag-ulan ng abo, Pyroclastic Density Current (PDC), rockfalls at pagdaloy ng lahar kung may malakas na pag-ulan doon.
Ang Bulkang Kanlaon ay nananatiling nasa ilalim ng Alert Level 3 status o may mataas na aktibidad.
- Latest






















