Binatilyo todas sa saksak ng bespren!

MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Patay ang isang binatilyo matapos umanong pagsasaksakin ng kanyang kainumang matalik na kaibigan sa bayan ng Hagonoy, dito sa lalawigan.
Kinilala ang biktima sa alyas “Ruel” habang ang suspek ay si alyas “Ghe”, kapwa 17-anyos at residente ng Brgy. Abulalas, Hagonoy, Bulacan.
Sa report ng pulisya, nangyari ang insidente bandang alas-12:10 ng madaling araw nitong Pebrero 20 sa naturang lugar.
Sa imbestigasyon, habang kasagsagan ng inuman ang mag-bestfriend ay nagkaroon umano ang dalawa ng mainitang pagtatalo hanggang sa bumunot ang suspek ng balisong at walang kaabog-abog na sinaksak ang biktima.
Agad isinugod ang biktima na may dalawang saksak sa dibdib sa ospital para sa paunang lunas subalit binawian din ng buhay.
Sinasabing nag-viral sa Facebook ang naturang insidente at maraming hindi makapaniwalang mga kakilalang netizen sa nangyari dahil matalik na magkaibigan ang dalawa.
- Latest





















