Mister ginilitan ng barbero sa New Year’s Day!
POLANGUI, Albay, Philippines — Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng isang mister sa unang araw ng Bagong Taon matapos laslasin ang leeg nito ng isang barbero sa Sitio Sapang Palay, Brgy. Sugcad, Polangui, Albay kahapon ng madaling araw.
Agarang nasawi dahil sa malalim na laslas ng leeg ang biktima na kinilalang si Marvin, 42-anyos habang arestado naman ang 24-anyos na barberong suspek na kinilala namang si Dante, kapwa residente ng naturang lugar.
Sa ulat, pasado alas-12 ng madaling araw habang nagkakasayahan ang lahat sa pagsalubong ng Bagong Taon ay napagtripan ng suspek na itumba ang motorsiklo ng biktima.
Nagalit umano ang biktima at nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa.
Umuwi ang suspek sa kanilang bahay at kinuha ang labaha saka binalikan ang biktima at walang kaabog-abog na nilaslas ang leeg, dahilan nang agaran nitong pagkasawi.
Mabilis na naaresto ng mga rumespondeng barangay tanod ang suspek at nakatakdang sampahan ngayong araw ng kasong murder.
- Latest