4 timbog sa pagpapaputok ng baril
MANILA, Philippines — Arestado ang apat katao makaraan silang magpaputok ng baril sa magkahiwalay na lugar sa Brgy. Molino 4, Bacoor City at Bulacan.
Sa ulat ng Bacoor Police, pawang nahaharap sa mga kasong Alarm and Scandal and Violation of RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) ang mga suspek na kinilala sa mga alyas na “Marvin”, “Jerniel” at “Percival”, kapwa residente ng San Miguel 1 Subdivision, Brgy. Molino IV, Bacoor City.
Alas-9 ng gabi nang makatanggap ng tawag ang pulisya mula sa ilang residente ng subdibisyon hinggil sa pag-iinuman ng mga suspek kung saan mga nagpapaputok umano ng mga baril.
Sa pagresponde ng pulisya, naaktuhan nila ang mga suspek na nag-iinuman at nakuhanan ng isang unit ng Glock 23 Gen5 .40 caliber pistol na kargado ng magazine at 12 bala, at isang Remington .45 caliber pistol na kargado rin ng magazine at mga bala. Nakarekober din ang mga pulis sa lugar ng dalawang empty cartridges ng .45 calibre at isang slug.
Samantala sa Bulacan, arestado ang isang 51-anyos na lalaking mekaniko na nanutok at nagpaputok umano ng baril sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Jay Aureo tubong Nueva Ecija habang ang biktima ay si Arnel Dagoro, 27, binata, driver, kapwa residente ng Brgy. Muzon Proper.
Sa report ng SJDM Police, ala-1:30 ng madaling araw nitong Enero 1 o New year’s Day sa Brgy. Muzon Proper, kinompronta ng biktima ang suspek na lulan ng Nissan Urban MV350 dahil muntik na siyang mabangga nito sanhi ng kanilang pagtatalo hanggang sa tinutukan umano ng baril ng suspek ang biktima na nagawang tumakbo at humingi ng tulong sa tanod na naka-duty.
Pumalag pa ang suspek sa mga tanod kaya agad nilang dinamba hanggang sa narekober ang baril na Pistol Tanfolgio cal. 9mm at magazine na may bala.
Lumabas sa imbestigasyon na dalawang beses pinaputok ng suspek ang kanyang baril bago ang insidente.
- Latest