3 NPA `tax collectors’ sumuko sa militar
COTABATO CITY, Philippines — Tatlong kasapi ng New People’s Army (NPA) na kabilang umano sa grupong sapilitang nangingikil ng “revolutionary tax” sa mga mahihirap na magsasaka ang sumuko sa mga kinauukulan sa Lebak, Sultan Kudarat nitong Biyernes.
Sa pahayag nitong Martes ni Major Gen. Antonio Nafarrete, commander ng 6th Infantry Division at acting chief ng Western Mindanao Command, ang tatlong NPA members na sina Sitong Kandason, kanyang kabiyak na si Mahay Asil Kandason at kanilang kasamang si Sayno Samson Canaway ay aalalayan ng 37th Infantry Battalion at ng 603rd Infantry Brigade sa kanilang pag-uwi sa kanilang mga barangay upang mamuhay na ng tahimik matapos ang kanilang pagbabalik-loob sa pamahalaan.
Nabatid na sumuko ang tatlo, na sakop ng Executive Committee ng South Region Command ng NPA, sa pakiusap nina Lt. Col. Christopher Capuyan, commanding officer ng 37th Infantry Battalion, at Brig. Gen. Michael Santos na siyang namumuno ng 603rd Infantry Brigade.
Ayon sa mga local officials, ang mag-asawang Kandason at kasamang si Canaway ay kabilang sa isang grupo ng NPA na puwersahang nangingikil ng pera at pagkain sa mga magsasaka sa mga liblib na pook sa Sultan at South Cotabato at nangongolekta rin ng “protection money” sa mga negosyante sa naturang dalawang probinsya.
Nanumpa na ng katapatan sa pamahalaan ang tatlo sa isang simpleng surrender ceremony sa headquarters ng 37th IB sa Barangay Tibpuan sa Lebak na sinaksihan ni Mayor Joaquin Concha ng Kalamansig, Sultan Kudarat na namigay sa kanila ng inisyal na ayuda na kanilang magagamit sa kanilang pag-uwi sa kanilang mga lugar sa mga bulubunduking hangganan ng Kalamansig at Lebak.
- Latest