7 todas sa clan war sa Maguindanao!
MANILA, Philippines — Pito katao ang patay kabilang ang apat na miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) matapos na sumiklab ang madugong bakbakan sa pagitan ng separatistang grupo at kalaban nitong angkan sa naganap na “clan war” o “rido” sa Brgy. Toka Maror sa Bongo Island, Parang, Maguindanao, nitong Biyernes ng umaga.
Kinumpirma nitong Sabado nina Parang Mayor Cahar Ibay at Col. Christopher Panapan, pinuno ng investigation division ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-BARMM), pito ang kumpirmadong patay sa sagupan mula sa naglalabang mga pamilyang Usman at Aragasi, sa Bongo Island.
Ayon sa PRO-BARMM at ng Task Force Central ng Philippine Army, alas-10 ng umaga nang lumusob ang mga armadong MILF na lulan ng mga bangka sa Bongo Island at pinuntirya ang kalabang pamilya sanhi ng umaatikabong engkuwentro. Ang MILF fighters ay pinamumunuan nina Commanders Macmod at Bayam Usman; pawang ng Kalamansig, Sultan Kudarat habang ang mga kalaban nila sa isla ay pinamumunuan ng isang Tamano Aragasi.
Mabilis na nagresponde ang pinagsanib na elemento ng Parang Municipal Police Station at ang 2nd Marine Battalion Landing Team (MBLT) 2 sa Bongo Island upang protektahan ang mga sibilyan pero pinaputukan din sila ng mga armadong grupo na lulan ng motorized pump boats.
Dito’y nagkaroon din ng putukan sa pagitan ng security forces at ng mga armadong kalalakihan.
Matapos humupa ang sagupaan nang magsiatras ang mga armadong grupo, apat na bangkay ng MILF fighters ang narekober na nakalutang sa dagat habang tatlo sa panig ng kanilang kalaban. Nakuha rin ang dalawang motorboats at sari-saring uri ng mga armas.
Nasa heightened alert na ang pinagsanib na elemento ng pulisya at MBLT 2 sa posibleng resbakan ng mga MILF at ng mga nasawi sa panig ng kanilang mga kalaban.
Ayon sa mga kasapi ng Parang Municipal Peace and Order Council, ilan sa mga nasawi ay mga Muslim religious leaders, political stronghold ni Ibay, na kandidato sa pangatlong termino ng pagka-mayor, ang Barangay Tuka Maror kaya siya nagsisikap na maareglo ang naturang away ng mga angkan, upang mapigilan ang posibleng paglaki ng kaguluhan sa naturang lugar.
Magugunita na una nang nagkaengkuwentro nitong Setyembre 4, 2024, ang nasabing dalawang grupo sanhi ng pagkamatay ng apat katao, mula sa mga angkan ng Aragasi at Usman na may alitan sa pulitika at nag-aagawan ng mga teritoryo sa Barangay Tuka Maror sa dalampasigan ng Bongo Island sa Parang.
- Latest