P14.7 milyong puslit na sigarilyo nasabat sa bangka
PIO DURAN, Albay, Philippines — Aabot sa P14,720,000 halaga ng kahon-kahong pekeng sigarilyo ang matagumpay na nasabat ng mga kasapi ng Regional PNP Maritime Group 5 habang sakay ng bangka sa ginawang seaborne patrol sa karagatang sakop ng Brgy. Marigondon, Pio Duran, Albay kamakalawa ng madaling araw.
Kalaboso ang 9 na suspek, pawang residente ng Brgy. Basicao ng naturang bayan na lahat ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic act 8424 o Philippine Internal Revenue Tax System.
Sa ulat, nakakuha ng impormasyon ang mga kasapi ng Ligao Maritime Law Enforcement Team ng PNP-Maritime Group 5 sa pangunguna ni regional officer Lt. Col. Rajo Opelanio hinggil sa mga smuggled cigarettes na sakay ng isang bangka.
Agad bumuo ng team ang PNP Maritime Group, bilang lead unit, katuwang ang Regional Mobile Force Battalion 5, Pio Duran Municipal Police Station, Philippine Coastguard at Philippine Navy.
Dakong alas-3:14 ng madaling araw nang isagawa ang seaborne patrol dahilan para maharang nila ang isang bangka na kargado ng 368-kahon ng pekeng sigarilyo na umaabot sa 14.72 milyong piso ang halaga isang kilometro mula sa baybayin ng Brgy. Marigondon.
Sinubukan pang itapon ng mga tripulante ng bangka ang kanilang mga karga at tinangkang palubugin ang sasakyang pandagat at saka tumalon ang mga suspek para sana tumakas pero mabilis silang naaresto ng mga operatiba.
Lahat ng suspek, bangka at mga pekeng sigarilyo ay dinala na sa bayan.
Bago umano ang pagkakasabat ng mga pekeng sigarilyo sa karagatan ng Pio Duran, Albay ay nauna nang nasamsam ng PNP Maritime Group 5-Camarines Norte sa pangunguna ni Major Lawrence Martinez mula sa isang 74-anyos na caretaker na lola ang mga pekeng sigarilyo na aabot sa P34,92 na halaga sa ginawang search warrant operation noong Nobyembre 19 sa Brgy. Bagumbayan, Paracale, Camarines Norte.
- Latest