12 pang terorista sumuko sa Army-6th ID
COTABATO CITY, Philippines — Karagdagang 12 pang kasapi ng Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang sumuko sa 6th Infantry Division ng Philippine Army nitong Huwebes at nangakong igagalang na ang pamahalaan.
Iniulat nitong Biyernes ni Major Gen. Antonio Nafarrete, commander ng 6th ID, ang pagsuko ng grupo na resulta ng magkatuwang na pakiusap ng mga opisyal ng 57th Infantry Battalion, ng 603rd Infantry Brigade at ng mga local government units (LGUs) sa mga bayan ng South Upi, Guindulungan, Datu Hoffer, Datu Unsay at South Upi sa Maguindanao del Sur.
Unang isinuko ng grupo ang kanilang mga assault rifles, mga B-40 rocket launchers at mga anti-tank rockets, isang 60 millimeter mortar at malalakas na mga improvised explosive devices kay Lt. Col. Aeron Gumabao ng 57IB at sa commander the 603rd Infantry Battalion na si Brig. Gen. Michael Santos bago sila nangakong magbabagong buhay na sa isang simpleng seremonyang ginanap sa Barangay Mirab, Upi, Maguindanao del Norte.
Sa tala, aabot na sa 712 na miyembro ng Dawlah Islamiya at BIFF habang 397 guerilla ng teroristang New People’s Army ang sumuko, mula 2017, sa mga unit ng 6th ID na nakakalat sa mga probinsya ng Cotabato, Sultan Kudarat, South Cotabato, Sarangani, Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte.
- Latest