7 bayan sa Quezon, apektado ng ASF
LUCENA CITY, Philippines — Kinumpirma ng Office of the Provincial Veterinarian-Quezon na nasa Red Zone o may kumpirmadong kaso ng African Swine Fever (ASF) ang pitong bayan sa lalawigan ng Quezon.
Ang mga apektadong bayan sa ASF ay San Andres, Macalelon, Lopez, Mauban, Candelaria, Tiaong, at San Antonio.
Nagpaalala ang tanggapan sa mga may babuyan na panatilihin ang pagpapatupad ng biosecurity.
Upang hindi na kumalat ang sakit sa mga baboy ay may mga itinalaga na rin na Provincial Animal Quarantine sa Pagbilao, Tiaong, Lucban, at Sariaya para tumutok sa kaso ng ASF.
Sa kabila nito, nilinaw ng Office of the Provincial Veterinarian na walang epekto ang ASF sa kalusugan ng tao at tanging baboy lamang ang maaaring mahawa sa sakit na ito.
Bagama’t hindi umano ito nakaaapekto nang direkta sa tao, malaki naman ang naidudulot nitong pinsala sa hog industry.
- Latest