Philippine hawk eagle nasagip sa Quezon

MULANAY, Quezon, Philippines — Isang batang Philippine hawk eagle ang na-rescue sa bayang ito sa pangunguna ng Wildlife Enforcement Officer at mga kawani ng Conservation and Development Section ng DENR-CENRO Catanauan, kamakalawa.
Ayon sa ulat ng DENR Calabarzon, aksidenteng nasugatan ng isang residenteng nangunguha ng bunga ng niyog ang nasabing ibon habang ito ay nakadapo sa puno na nasa isang coconut plantation sa boundary ng Brgy. Cambuga at Brgy. Buenavista sa nasabing bayan.
Nagtamo ng pinsala ang ibon sa kaliwang paa nito at naputol ang isang kuko, na dahilan upang hindi ito makalipad.
Dinala ang ibon sa CENRO Catanauan upang pakainin, gamutin at obserbahan at makaraan ay inilipat sa Regional Wildlife Rescue Center sa Calauan, Laguna, upang matiyak ang full recovery nito bago ibalik sa natural na tirahan.
Ikinokonsidera ng International Union for Conservation of Nature o IUCN red list ang Philippine Hawk Eagle na “endangered” o nanganganib na ang lahi dahil sa papaunting populasyon nito na tinatayang nasa 400 hanggang 600 na lamang.
- Latest



















