Lucena City isinailalim sa state of calamity
LUCENA CITY, Philippines — Dahil sa laki ng pinsala na idinulot ng bagyong Aghon, idineklara ng Lokal na Pamahalaan na isailalim sa “state of calamity” ang kabuuan ng lungsod ng Lucena.
Bunsod nito, mabilis nang magagamit ang mga kaukulang pondo upang matulungan ang mga residenteng labis na naapektuhan ng nakalipas na bagyo.
Sa 33 barangay ng lungsod, iniulat ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) na 80 porsyento dito ay naapektuhan ng biglaang pagtaas ng tubig sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo partikular ang walong mga barangay na malapit sa mga ilog ng Dumacaa at Iyam na umapaw.
Lumikas din ang mga residenteng naninirahan sa coastal barangay dahil sa hampas ng malalaking alon mula sa Tayabas Bay.
Mahigit sa 15,000 indibidwal na evacuees ang kasalukuyang nasa itinalagang mga evacuation centers at patuloy na tinutulungan ng City DSWDO.
Pinag-aaralan naman ng pamahalaang lokal at ng Executive Committee ng “Pasayahan 2024 “ na nag-umpisa noong May 22 at magtatapos sa May 30, 2024 na ipagpaliban muna ang kanilang Grand Parade na nakatakda sana ngayong araw.
- Latest