State of calamity sa ‘rabies’, hirit sa Albay
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Nakakabahala na ang pagdami ng mga kaso ng rabies-virus sa lalawigan ng Albay dahil sa galang mga aso dahilan para anim na katao ang naitalang nasawi sa loob lamang ng halos tatlong buwan kaya hiniling na ng Provincial Health Office (PVO) na isailalim na ang buong lalawigan sa state of calamity.
Ayon kay provincial veterinary officer Dr. Pancho Mella, malaking tulong kung sa pamamagitan ng resolusyon ng sangguniang panlalawigan ay maideklarang state of calamity ang Albay para madagdagan ang pondo at mapalakas pa nila ang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng naturang virus.
Base umano sa datus ng PVO, nagsimulang tumaas ang kaso ng rabies mula noong 2013 hanggang 2023. Noong nakalipas na taon ay lima ang naitalang nasawi sa Albay habang sa unang tatlong buwan pa lamang ngayong 2024 (Enero hanggang Marso) ay anim na ang namatay dahil sa kagat ng aso habang ang isa ay tinamaan ng virus makaraang kumain ng nilutong karneng aso. Tig-dalawang nasawi sa mga bayan ng Pio Duran at Tiwi habang tig-isa naman ang Jovellar at Bacacay.
Sa ulat ni Mella sa sangguniang panlalawigan, tinatayang sa 209-libong populasyon ng aso sa lalawigan, nasa higit 84-libo o 40 porsyento pa lamang ang nabakunahan kaya maliban sa hakbang ng kanilang opisina at iba’t ibang lokal na pamahalaan ay kailangan nila ang suporta ng mga mamamayang maging responsableng pet owners. Itali at pabakunahan ang kanilang mga alagang aso at pusa.
- Latest