Resort pinasok: 4 bisita tinangayan ng P1 milyong cash, alahas, baril at gadgets
TAYABAS CITY, Philippines — Nag-Paskong dismayado ang mag-asawa at dalawang obrero makaraang manakawan ng mahigit sa P1 milyong cash, baril at mga gadget nang hindi nakikilalang lalaki na nanloob sa kanilang mga tinutulugang kuwarto sa resort sa Barangay Calumpang sa lungsod na ito kamakalawa ng gabi.
Base sa ulat ng Tayabas City Police, nasa Villa Dido Resort ang mag-asawang Christopher, 43, at Shiela Tamayo, 38, mga residente ng Parañaque City kasama ang dalawang manggagawa na sina Romer at George nang matuklasan nila kinaumagahan na nawawala na ang kanilang mga kagamitan na kinabibilangan ng handbag ni Shiela na naglalaman ng P1 million cash, dalawang mamahaling cellphones, mga credit cards, sling bag ng kanyang mister na naglalaman ng Glock 17 caliber 9mm na may kasamang magazine at 38 bala, gayundin ang cash na P118, 000.00 at susi ng kanilang Mutibishi Strada.
Nawawala rin ang mga cellphones at cash na aabot sa P14, 000.00 ng dalawang helper.
Sa pagre-review ng CCTV, nakita ng mga imbestigador na pumasok ang isang hindi kilalang lalaki sa resort dakong alas-2:45 ng madaling araw sa pamamagitan ng pag-akyat sa kongkretong bakod saka pinasok ang dalawang kuwarto ng mga biktima na pawang hindi naka-lock at malayang nilimas ng kawatan ang mga kagamitan at pera ng mga biktima na noon ay mahimbing na natutulog.
- Latest