P1.2 milyong shabu samsam sa big-time ‘drug pusher’
CAVITE, Philippines — Nasa P1.2 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska mula sa dalawang pinaniniwalaang big-time drug pusher sa dalawang nagkasunod na operasyong inilatag ng pulisya sa bayan ng Tanza, Cavite.
Kapwa nasa listahan ng High Value Target ng pulisya ang dalawang suspek na kinilala sa mga alias na “Gamol”, 29 anyos, isang cock breeder at residente ng Brgy. Sto Niño 2, Dasmariñas City, Cavite, at “Reynaldo”, 44, ng Brgy. Paradahan Tanza Cavite .
Sa nakalap na ulat mula kay Lt. Col. Willy Bergado Salazar ng Tanza Police, unang nasakote si alias Reynaldo dakong alas-2:30 ng hapon sa Brgy Paradahan ng nasabing bayan.
Narekober kay Reynaldo ang may mahigit 83 gramo ng shabu na naka-pack sa may 13 selyadong transparent plastic sachet na aabot sa halagang P564,400. Nakuhanan din ng isang Daewoo 9mm pistol na baril at kargado ng magazine.
Samantala, kasunod na naaresto ng pulisya si alias Gamol dakong alas-8 ng gabi sa Brgy. Paradahan 1 ng Tanza. Nakumpiska sa kanya ang isang nakabuhol na transparent plastic icebag na naglalaman ng shabu na nasa 100 gramo at may halagang P680,000.
- Latest