State of calamity idineklara sa bayan ng Iloilo
Dahil sa matinding pagbaha
MANILA, Philippines — Dahil sa matinding pinsala sa mga pagbaha dulot ng bagyong Goring na pinatindi pa ng southwest monsoon o habagat, nagdeklara na rin ng state of calamity ang bayan ng Oton sa lalawigan ng Iloilo.
Sa report sa Office of Civil Defense (OCD) Region 6, nitong Biyernes ng hapon ay inaprubahan na ni Oton Mayor Sofronio Fusin Jr. ang rekomendasyon ng Sangguniang Bayan na ideklara ang state of calamity sa kanilang bayan.
Nabatid na 23 mula sa kabuuang 37 barangays sa Oton ang binaha na nakaapekto sa nasa 8,000 residente habang nasa inisyal na P8.7-milyon naman ang pinsala sa mga palayan.
Sa ilalim ng state of calamity ay maipapalabas ng lokal na pamahalaan ang kanilang Quick Response Fund (QRF) para sa pagmomobilisa ng resources at paggamit ng kaukulang pondo.
Una rito, nagdeklara noong Huwebes ng state of calamity ang bayan ng Pototan sa nasabi ring lalawigan. Nasa 3,000 pamilya o kabuuang 15,000 indibidwal ang apektado ng matitinding pagbaha sa Pototan.
Sumunod na nagdeklara ng state of calamity ang Bacolod City, Negros Occidental sanhi ng matinding mga pagbaha na nakaapekto sa 3,998 pamilya o katumbas na 12,8687 residente mula sa 33 sa kabuuang 61 barangays ng lungsod.
- Latest