2 frat na ‘wanted’ sa Salilig hazing, timbog!
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Dalawang miyembro ng fraternity na kabilang sa mga suspek sa pagkamatay ng hazing victim na si John Matthew Salilig, chemical engineering student ng Adamson University, ang naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group 4A sa ikinasang operasyon sa Cavite, kamakalawa ng gabi.
Nabatid na nalambat ng mga operatiba ng CIDG-Laguna at Cavite field unit ang mga wanted na sina Justin Ar-Jay Ramos Fontanilla, 20-anyos, residente ng Brgy. Alapan II, Imus City at Armando Hernandez, 21-anyos, ng Brgy. Amaya 6, Tanza; pawang sa Cavite, sa ikinasang operasyon nitong Huwebes ng gabi.
Ang dalawang akusado na natitirang mga suspek sa Salilig slay ay dinakip dahil sa kasong paglabag sa RA 8049, na naamyembdahan ng RA 11503 (Anti-Hazing Act of 2018) at may warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Armin Noel Villamonte, ng RTC Branch 155, Biñan City, Laguna na may petsang Hulyo 6, 2023.
“Sina Fontanilla at Hernandez ay dalawa sa mga tinuturong suspek sa pagkamatay ng Adamson University student na si John Matthew Salilig dahil sa hazing na isinagawa ng Tau Gamma Phi fraternity noong February 18, 2023 sa Biñan City, Laguna,” ani Major General Romeo Caramat, CIDG director.
Sa rekord ng pulisya, si Salilig na dumalo sa initiation rites ng Tau Gamma Phi fraternity ay nawala ng may 10 araw bago natagpuan ang kanyang katawan na mababaw na nakabaon sa bakanteng lote sa Imus City, Cavite noong Pebrero 28, 2023.
Sinabi ni Caramat na ang dalawang akusado ay nakatala bilang mga Regional Most Wanted Persons sa Calabarzon region.
- Latest