Bangsamoro Senior Citizens Commission itatatag
Cotabato City, Philippines — Nagsimula na ang deliberasyon ng Bangsamoro parliament sa pagtatatag ng Senior Citizens Commission (SCC) sa rehiyon upang mapalawak ang serbisyo para sa sector na tututukan nito.
Ang manggagamot na si Kadil Sinolinding, Jr., isa sa 80 na kasapi ng parliament ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang siyang may panukala ng pagtatatag ng SCC, sa pamamagitan ng Bangsamoro Transition Authority Bill 121.
Sa isang pahayag nitong Martes, inanunsyo ng information office ng regional parliament ng BARMM na naisagawa na ang unang pagbasa at deliberasyon sa naturang panukala.
Dating health secretary ang doctor na si Sinolinding ng nabuwag ng Autonomous Region in Muslim Mindanao, napalitan ng BARMM taong 2019 bilang resulta ng usaping pangkapayapaan ng Malacañang at ng Moro Islamic Liberation Front.
Ilang mga kasapi ng BARMM parliament, kabilang na ang mga abogadong sina Paisalin Tago at Suharto Ambolodto, ang agad na nagpahayag ng suporta sa planong pagtatag ng SCC sa autonomous region.
Maliban sa pagiging parliament member, si Tago ang siyang namumuno ng Ministry of Transportation of Communications-BARMM.
- Latest