Pamamahala sa SBMA, palakasin pa — solon
MANILA, Philippines — Umaksiyon si 1st District Bataan Rep. Geraldine Roman upang palakasin pa ang pangangasiwa o pagpapatakbo ng pamamahala sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa Zambales sa pamamagitan ng pag-aamyenda sa probisyon ng Republic Act No. 7227.
Kasabay nito, umapela si Roman sa mga kasamahan nitong mambabatas upang mabilis ang pagsasabatas ng kanyang panukala na naglalaman ng amyenda upang mapabuti ang koleksyon sa buwis ng sa gayon ay madagdagan ang bahagi ng Local Government Units (LGU) na apektado at pati na rin ang bahagi ng pamahalaang nasyonal.
“Revitalizing the bases conversion development, amending for the purpose RA No. 7227, otherwise known as the “Bases Conversion and Development Act of 1992,” as amended,” batay sa House Bill 530 na iniakda ni Roman.
“Panahon na para magsama ng mga probisyong susuporta sa pag-professionalize ng SBMA Board of Directors at magtitiyak ng kaligtasan ng publiko at seguridad ng free-port zone,” sabi ni Roman, Chairperson ng House Committee on Women and Gender Equality.
Sa panukala, iniharap ni Roman ang reallocation formulas sa bahagi na matatanggap ng lalawigan ng Bataan at Pampanga mula sa dalawang porsiyentong tax on gross income mula sa lahat ng business enterprises na sakop o nasa loob ng free-port zone.
“Nakasaad din sa panukala ang pagtatalaga ng mga karagdagang puwesto ng SBMA Board of Directors sa mga LGU at sa mga katutubong naninirahan sa loob ng Subic Bay Freeport Zone,” dagdag pa ni Roman.
Ayon kay Roman, isinaalang-alang ang pag-amyenda noong 17th Congress sa basehang nagpapatibay sa kapangyarihang ipinagkaloob sa SBMA sa pamamagitan ng RA No. 7227, bilang amyenda. Inihayag ng transgender solon na pantay na pagkakataon ang isinusulong niya para sa lahat ng Filipino.
- Latest