Aso ng kapitbahay sinaway, kelot pinatay
MANILA, Philippines — Patay ang isang lalaki nang pagbabarilin ng kanyang kapitbahay na may-ari ng aso na kanyang pinagbabato noong Sabado ng gabi sa Bataraza, Palawan.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Belmorie Bonete Ubogan, 26, residente ng Brgy. Culandanum, Bataraza Palawan.
Kusang-loob namang sumuko ang suspek na si William Marquelencia Suprecencia, 63, kapitbahay ng biktima.
Batay sa imbestigasyon ni Major Dhenes Acosta ng Bataraza Municipal Police Station, nakauwi na galing sa inuman ang biktima nang mainis sa tahol ng aso ng kapitbahay.
Dahil dito, lumabas ng bahay ang biktima saka sinaway at pinagbabato ang aso ng matandang suspek.
Nalaman ito ng suspek kaya agad na kinuha ang kanyang 12 gauge shotgun at pinaputukan ang biktima.
Nang makitang duguan ang biktima ay agad na tumakas ang suspek at kalauna’y sumuko rin sa chairman ng Brgy. Culandanum.
Nahaharap sa kasong murder ang suspek.
- Latest