Negosyante todas sa ambush sa Batangas
MANILA, Philippines — Patay ang isang negosyante matapos na paulanan ng bala ang behikulong sinasakyan nito ng hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan sa kahabaan ng highway ng Brgy. Lalayat, San Jose, Batangas nitong Sabado ng madaling araw.
Sa ulat ng CALABARZON Police, kinilala ang nasawing biktima na si Richard Matulac, 55-anyos.
Si Matulac ay nasapul ng tama ng bala sa dibdib at idineklarang dead-on-arrival sa Metro San Jose Medical Center.
Batay sa imbestigasyon, nangyari ang pananambang sa biktima habang bumabagtas ang sinasakyan nitong Mitsubishi L300 sa nasabing lugar.
Tinapatan umano ng suspect na lulan ng hindi pa natukoy na uri ng behikulo ang sasakyan ng biktima saka pinagbabaril ito.
Ilang putok ng baril ang umalingawngaw sa lugar kung saan mabilis na tumakas ang salarin patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Nagawa pang maisugod sa Metro San Jose Medical Center ang biktima pero idineklara na itong dead-on-arrival.
- Latest