Ex-vice mayor ng Quezon todas sa ambush
SAN PABLO CITY, Laguna, Philippines — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang dating vice mayor ng Dolores, Quezon ng hindi nakikilalang mga salarin habang ang biktima ay sakay ng kanyang kotse kamakalawa ng gabi sa Barangay San Francisco ng lungsod na ito.
Ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa ulo at likurang bahagi ng kanyang katawan ay kinilalang si Danilo Amat, isa ring negosyante at residente ng Barangay Bungoy, Dolores, Quezon.
Sa inisyal na imbestigasyon ng San Pablo Police, bandang alas-6:30 ng gabi habang lulan ang biktima ng kulay pulang Ford Mustang (Sports Sedan) at pagsapit sa Seven Street ng nasabing barangay nang paulanan ng punglo ng hindi nakikilalang mga lalaki.
Nang makitang napuruhan ang biktima ay mabilis na tumakas ang mga salarin.
Agad namang isinugod ng mga saksi ang biktima sa San Pablo City General Hospital subalit idineklarang dead-on-arrival (DOA).
Nabatid na matagal nang nakatatanggap ng mga pagbabanta sa kaniyang buhay si Amat.
Kabilang sa anggulong sinisilip ng mga awtoridad na motibo sa krimen ay pulitika.
Si Amat ay tumakbong mayor sa Dolores, Quezon noong May 2022 elections subalit natalo ng incumbent mayor na si Orlan Calayag.
- Latest