Sa marahas na dispersal sa hacienda sa Tarlac: 83 katao kinasuhan, operasyon lehitimo – PNP
MANILA, Philippines — Sinampahan na ng kaso ang 83 sa mahigit 90 magsasaka at land reform advocates na inaresto noong Huwebes sa naganap na dispersal ng mga pulis sa Hacienda Tinang sa Concepcion, Tarlac.
Sa report ni P/Lt. Col. Reynold Macabitas, hepe ng Concepcion Municipal Police Station (MPS), sinira ng mga inarestong magsasaka ang mga tanim na tubo sa nasabing lugar na pag-aari ng Agriculture Cooperative.
Una rito, nanawagan ang Kabataan Partylist at iba pang miyembro ng Makabayan Koalisyon na palayain ang mga magsasagawa na tinaguriang “Tinang 90 plus” dahil sa sinasabing marahas na dispersal ng mga pulis.
Sa kabila nito, iginiit ni Macabitas na lehitimo ang kanilang naging aksyon matapos magresponde ang kaniyang mga tauhan sa reklamo ng may-ari ng taniman.
Aniya, tinangka pang manlaban ng mga magsasaka na nagpoprotesta na pilit na hinaharangan ang mga pulis na nagtungo sa Hacienda Tinang sa Brgy. Tinang ng nasabing bayan.
“Yung ginawa namin is a purely police operation lang, may nagsumbong sa atin na may destruction ng property sa isang barangay, nagresponde lang ang pulis natin dun sa area,” paliwanag ni Macabitas.
Binigyang diin ni Macabitas na taliwas sa alegasyon ng mga lider ng magsasaka ay walang anumang pang-aabuso sa karapatang pantao ang nangyari.
Nabatid na 83 sa mahigit 90 na inaresto ay sinampahan na ng kasong illegal assembly kung saan P36,000 ang piyansa kada isa at malicious mischief na may tig P3,000 na piyansa.
Nauna rito, 12 sa mga magsasaka ay pinalaya na kabilang ang limang dayuhan, tatlong artists habang ang iba ay mga menor-de-edad dahil sa kawalan ng probable cause.
Ang mga dayuhan ay sumama lang umano sa research team hinggil sa mga agrarian reform beneficiaries at walang kinalaman sa insidente na pawang kararating lamang sa Pilipinas. — Doris Franche
- Latest