Pila ng mga sasakyan, umabot sa 6-km Higit 1,000 pasahero stranded sa Sorsogon
SORSOGON CITY, Sorsogon, Philippines — Nasa mahigit 1,000 pasahero na ang stranded sa pantalan sa bayan ng Matnog sa lalawigang ito dahil sa masungit na lagay ng panahon.
Kinumpirma kahapon ng Philippine Ports Authority (PPA)-Sorsogon na nasa mahigit 1,000 katao na noong isang linggo pa ang stranded at naghihintay na makasampa ng barko pauwi sa kanilang probinsya.
Ayon sa PPA, bunsod ng sama ng panahon at malalaking alon sa karagatan na sinabayan pa ng pagkasira ng dalawa sa 12 bumibiyaheng roro vessel kung kaya humaba ang bilang ng mga naghihintay na pasahero at mga sasakyan sa Matnog Port.
Nabatid na umaabot na sa halos anim na kilometro ang haba ng pila ng iba’t bang sasakyan sa Matnog na karamihan ay mga cargo truck at bus na patawid ng Allen, Samar patungong Visayas at Mindanao. Ang mga sasakyan ay makikitang nakahimpil sa tabi ng Maharlika National Highway papasok ng Matnog Port mula pa kahapon ng umaga.
Sa panayam ng PSN kay Dong Mendosa, information officer ng Sorsogon Provincial Capitol, dahil sa haba ng pila ng mga sasakyan ay nagdesisyon ang lokal na pamahalaan na sa boundary pa lang ng Brgy. Putiao sa bayan ng Castilla ay hindi na nila payagang pumasok ang mga sasakyang patawid ng Samar dahilan naman upang humaba na rin ang pila sa Brgy. Villahermosa sa bayan ng Daraga, Albay.
Inaalam pa ng kapitolyo kung ilan ang kabuuang bilang ng mga pasahero sa pantalan at ng mga sasakyang nakapila sa loob at labas nito.
Dahil naman sa pagkaantala ng mga biyahe, planong hatiran ng tulong ng lokal na pamahalaan ang mga stranded na pasahero.
- Latest