Drug trafficker huli sa P7.1 milyong shabu
MANILA, Philippines — Umiskor ang pulisya matapos masamsam ang P7.1-milyong halaga ng shabu mula isang pinaghihinalaang big time drug trafficker na naaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Tejero, Cebu City kamakalawa ng gabi.
Sa report na tinanggap ni PNP chief P/Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar, kinilala ang nasakoteng suspect na si alyas “Toro”; umano’y sangkot sa drug trafficking sa iba’t ibang barangay sa lungsod.
Hindi na nakapalag ang suspect matapos na dakpin ng mga operatiba matapos nang makumpiskahan dito ng mahigit isang kilong shabu na nagkakahalaga ng P7.1 milyon.
“Maganda na nahuli ng ating mga operatiba sa Central Visayas ang suspek na ito dahil ayon sa inisyal na impormasyon, sangkot siya sa malakihang operasyon ng ilegal na droga,” pahayag ni Eleazar. “Malaking dagok ang pagkakahuli ng suspek sa operasyon ng sindikatong kinabibilangan niya,” dagdag nito.
Pinapurihan ni Eleazar ang Police Regional Office-Central Visayas Regional Drug Enforcement Unit sa matagumpay na pagkakaaresto sa suspect.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang kontak ng suspect sa transakyon ng ilegal na droga ay isang detainee sa isang piitan sa lalawigan ng Cebu.
“We are verifying this information and we will further investigate the scope of his illegal drug activities,” ani Eleazar.
- Latest