Parak sumemplang sa motor, todas
VIGA, Catanduanes , Philippines — Idineklarang dead-on-arrival sa ospital ang isang pulis matapos na sumemplang ang minamanehong motorsiklo sa national highway ng Brgy. Begonia ng bayang ito kamakalawa ng hapon.
Ang nasawi dahil sa natamong mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si Patrolman John Lester Tulod, kasapi ng Viga Municipal Police Station at residente ng Brgy. San Jose Poblacion.
Sa ulat na natanggap ng Camp Gen. Simeon Ola, bago naganap ang aksidente, alas-4:30 ng hapon sa nasabing lugar ay sakay ang biktima ng kanyang motorsiklo mula Brgy. Tambongon at mabilis na binabagtas ang kalsada patungong Brgy. Poblacion.
Pagdating sa pakurbang daan ay nawalan ng kontrol sa manibela ang pulis kaya sumemplang ito at humampas ang katawan sa kongkretong drainage canal ng highway.
Mabilis namang nakaresponde ang mga kasamahang pulis, duguan at walang malay na isinugod sa pagamutan ang biktima pero hindi na umabot nang buhay.
- Latest