Mahigit 100K evacuees dahil kay ‘Quinta’, nagsibalikan na
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Kanya-kanyang alsa balutan ng gamit pauwi ang mahigit isandaang libong mga residente na nagsilikas mula sa ibat-ibang bayan sa Albay matapos tuluyan nang lumampas ang bagyong “Quinta” kahapon.
Ayon kay Cedric Daep, hepe ng Albay Provincial Safety and Emergency Management Office (APSEMO) ginawa ang decampment ng mga evacuees kahapon makaraang masiguro nila na ligtas na sa anumang peligro ng lahar,landelide,flashfloods, baha at daluyong ang mga residente.
Sinabi ni Daep na umabot sa 12,981 na pamilya o 44,595 katao ang inilikas sa mga evacuation center sa ibat-ibang bayan pero ayon sa pagtaya nila ay umabot sa bilang na mahigit 100-libo ang mga nagsilikas dahil sa mahigit 50-libong indibidwal ang hindi na pumunta sa evacuation center at sa halip ay nakisilong muna sa mga bahay ng kamag-anak na malayo sa peligro.
Sa kabila umano nang mga pagbaha ay napanatiling zero casualty ang buong lalawigan.
Hinihintay pa ng APSEMO ang ulat ng mga naging danyos sa imprastruktura at agrikuktura mula sa mga bayan.Anumang araw ay posible umanong maibalik na ang kuryente sa lalawigan dahil walang masyadong naging danyos sa poste at mga kable ng kuryente.
- Latest