Ex-vice mayor, tserman itinumba!
PLARIDEL, Bulacan, Philippines — Patay agad ang isang dating vice mayor at isang kasalukuyang barangay chairman, dito sa lalawigan matapos silang pagbabarilin ng riding-in-tandem kahapon ng tanghali sa Brgy. Bulihan ng bayang ito.
Sa ulat na ipinadala ni P/Lt. Col. Victorino Valdez, hepe ng Plaridel Police kay P/Col. Emma Libunao, acting Bulacan Police director, kinilala ang dalawang napatay na sina Oscar Marquez, 54, may-asawa, negosyante, dating vice mayor ng Pandi, Bulacan at residente ng Brgy. Manatal, Pandi, at Mauro Capistrano, 56, may-asawa at incumbent chairman ng Brgy. Bagbaguin, Pandi, Bulacan.
Sa insyal na imbestigasyon, alas-12:50 ng tanghali nang pagbabarilin ng dalawang ‘di pa nakikilalang suspek ang mga biktima.
Ayon sa saksing si Vincent John Garenga, kusinero, dakong alas-11:00 ng umaga nang dumating ang dalawang biktima sa Celo Eatery sa Brgy. Bulihan para kumain.
Lumalabas na may katagpuan at hinihinatay na kliyente ang dalawang biktima sa nasabing kainan na may kinalaman sa bentahan ng lupa. Lulan umano ang mga biktima ng isang puting Toyota Fortuner (NBU-7644) nang bumaba sila para kumain sa nasabing eatery.
Makalipas ang higit isang oras, bigla na lamang dumating ang dalawang lalaki sakay ng isang kulay itim na Honda Click motorcycle. Agad pumasok sa nasabing kainan ang angkas ng motorsiklo at pinagbabaril ang tserman sa ulo at katawan.Nagawa namang makatakbo ng dating vice mayor subalit hinabol siya ng dalawang suspek at pinagbabaril hanggang sa malagutan ng hininga sa damuhan sa tapat ng isang gasolinahan.
Mabilis na tumakas ang mga salarin patungong Bustos, Bulacan matapos na matiyak na napuruhan ang dalawang target na biktima.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang ilang deformed slug mula sa cal .45 pistol.
- Latest