Hepe ng pulisya, 2 pang tauhan ‘guilty’
Sa pagkamatay ng anak ng meyor
TAYABAS CITY , Philippines — Hinatulang guilty sa kasong administratibo o 2 counts of grave misconduct ng pamunuan ng PNP ang dating chief of police ng lungsod na ito at dalawang tauhan dahil sa pagkakasangkot sa pagpatay sa anak ng Sariaya, Quezon mayor at kaibigan nito, may anim na buwan na ang nakalilipas.
Sa desisyon na nilagdaan ni dating Calabarzon (PRO4-A) chief P/Brig. Gen. Eduard Carranza, noong Oktubre 17, 2019 at inilabas kamakalawa, bukod sa kasong administratibo ay tuluyan na ring sinibak sa roster o pamunuan ng PNP sina P/Lt. Col. Mark Anthony Laygo, P/Cpl. Lonald Sumalpong at Pat. Robert Legaspi.
Inabsuwelto naman ang 9 pang miyembro ng Tayabas City Police dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya na sangkot sila sa pamamaslang kina Christian Gayeta, anak ni Sariaya Quezon Mayor Marcelo Gayeta at isang Christopher Manalo.
Magugunita na noong Marso 2019, napaslang sa shootout ang dalawang biktima matapos diumano’y mangholdap ng isang gasoline attendant. Makalipas ang dalawang araw, natuklasang walang naganap na holdapan at inginuso na rin ng ilang pulis ang kanilang hepe sa scripted na pangyayari upang umano’y magkaroon ng malaking accomplishments.
- Latest