Magpinsan tiklo sa 19 kinatay na aso
SAN LEONARDO, Nueva Ecija , Philippines — Arestado sa isang police checkpoint ang magpinsang lalaki na sakay ng isang sport utility vehicle (SUV) habang ibinibiyahe ang 19 na kakakatay lang na aso at pagkakadiskubre pa sa 15 pang buhay na aso na inilagay sa mga sako ng bigas sa Brgy. Diversion ng bayang ito, noong Linggo ng gabi. Kinilala ng pulisya ang dalawang naaresto na sina Julius Ayac-Ayac, 32, binata; at Jasper Pitan, 28, binata, kapwa ng Brgy. P. Burgos, Baguio City. Humingi ng tulong sa pulisya ang Animal Kingdom Foundation, Inc. (AKFI) na nireprisinta ni Allan Pekit-Pekit, 44, may-asawa, ng Brgy Cubcub, Capaz, Tarlac. Base sa asset umano ng AKFI, may daraang kulay asul na Toyota Tamaraw FX na may plakang UDY-635 na may sakay na mga aso na nakatakdang dalhin sa norte, partikular umano sa Baguio City. Dahil dito, nagdagdag ng checkpoint ang pulisya at doon sa nasabing lugar at napigil ang naturang sasakyan. Nang buksan at inspeksyunin ang loob nito, nakita ang mga bagong katay na 19 piraso ng aso, pati ang kalunus-lunos na lagay ng 15 buhay na aso na isinilid sa mga sako ng bigas.
- Latest