‘Tulak’ utas, 6 arestado sa drug ops
MANILA, Philippines — Patay ang isang sinasabing kilabot na ‘tulak’ ng shabu habang anim ang arestado ng mga otoridad sa isinagawang drug-bust operation ng mga pulis sa limang bayan sa lalawigan ng Bulacan, Miyerkules ng gabi at Huwebes ng madaling araw.
Sa halip na sumurender ay minabuting makipagbarilan sa mga pulis ang suspek na bumulagta na si Arvin Bautista, 40-anyos, ng Brgy. Bunsuran sa bayan ng Pandi habang timbog naman sa iba pang operasyon ang mga suspek na sina Reynaldo Magbitang at Manny Villavicencion, pawang residente ng bayan ng San Rafael; Reynaldo Gomez, Christorey Gicoli, Alexis Herrera at Cristopher Nazareno.
Sa ulat ng Pandi Police dakong alas-11:40 ng gabi nang nagkita si Bautista at isang operatiba ng naturang bayan upang magpalitan ng ibinebentang shabu. Habang nagpapalitan ng items ay nakahalata ang suspek na pulis ang kanyang ka-deal dahilan upang bunutin nito ang kanyang armas saka binaril ang pulis ngunit sumablay ito saka gumanti ang mga operatiba na naging dahilan ng kanyang kamatayan.
Narekober mula kay Bautista ang ilang sachet ng shabu, isang kalibre .38 baril at P500 marked money.
Samantala, sa patuloy na operasyon ng mga otoridad sa iba’t-ibang bayan sa Bulacan ay naaresto ang anim pang suspek kung saan narekober mula sa kanila ang anim na pakete ng shabu at P6,000 marked money.
- Latest