Zambo attack: Cafgu, 5 sibilyan utas!
MANILA, Philippines — Anim katao kabilang ang isang miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) ang nasawi habang hinostage ang isang mag-asawang matanda ng isang armadong grupo na umatake at nagpaulan ng bala sa ilang kabahayan sa Brgy. Piacan, Sirawai, Zamboanga del Norte, ayon sa opisyal kahapon.
Sinabi ni Chief Inspector Helen Galvez, Spokesman ng Police Regional Office (PRO) 9, nagbuwis ng buhay sa insidente ang Cafgu na si Amsid Callun habang ang mga sibilyan ay nakilalang sina Absar Gumba, Kabiran Ginsing, Saddam Tahir, Jaayri Lumihig at Muslimin Adan.
Base sa ulat, sugatan naman ang isa pang kasamahan ng mga nasawi na si Jering Carbi.
Sinabi ni Chief Inspector Helen Galvez, spokesperson ng Police Regional Ofice (PRO) 9, bandang alas-6:05 ng gabi nang umatake ang limang armadong lalaki na nakasuot ng camouflage uniform lulan ng pump boat na de-motor.
Nagresponde naman ang tropa ng militar at mga Cafgu na nakabase sa Piacan detachment, Sirawai nang marinig ang pagpapaulan ng bala ng ’di pa natukoy na grupo sa nasabing komunidad na nagresulta sa palitan ng putok ng magkabilang panig.
Sa kasagsagan ng bakbakan, puwersahang tinangay ng mga suspek ang mag-asawang sina Rufo Roda, 62, isang retiradong Cafgu at misis nitong si Helen, 64; kapwa residente sa lugar na ginawang “human shield” upang makatakas sa lugar. Tangay ang mag-asawang hostage, tumahak patungo sa direksyon ng karagatan ng Sibuco, Zamboanga del Norte ang armadong grupo sakay ng pump boat.
Inaalam na ng militar at pulisya kung anong grupo ang responsable sa madugong pag-atake na hinihinala ng mga awtoridad na ang mga bandidong Abu Sayyaf at iba pang lawless elements sa lugar ang may kagagawan.
Patuloy naman ang hot pursuit operations ng pinagsanib na elemento ng Sirawai Municipal Police Station, 422nd Infantry Battalion ng Phl Army at Zamboanga del Norte Provincial Force Mobile Force Company laban sa mga suspek upang iligtas ang dalawang bihag.
- Latest