Sabungan pinasasara
BULACAN, Philippines – Inirereklamo ng mga residente, pamunuan ng pampublikong paaralan at sektor ng relihiyon ang patuloy na paglabag umano sa batas ng isang kilalang sabungan na nasa Sandico St., Brgy. Abangan Sur, sa Marilao ng lalawigang ito.
Ayon sa sulat ni Principal III Corazon Dela Rosa at PTA President Alice Sarmiento ng Abangan Sur Elementary School, Banal na Krus Catholic Group at mga apektadong residente, lubha silang nababahala sa iligal nang ginagawa ng sabungan katulad ng umano’y sobrang ingay dito habang nagsasagawa ng aralin ang mga estudyante at ingay din sa dis-oras ng gabi, ang sala-salabat na pagparada ng mga sasakyan sa bisinidad nito na nagiging dahilan ng pagkakabuhol-buhol ng daloy ng trapiko, ang pagkakalat ng mga basura at iba pang paglabag. Sa P.D. 449 (Cockfighting Law of 1974), maaari lamang isagawa ang sabong sa tuwing araw ng Linggo, mga legal na holidays at iba pang pagdiriwang sa bansa ngunit sinusuway ito ng pamunuan ng sabungan partikular sa pagsasagawa ng cock derby sa ordinaryong araw at may masamang epekto sa mga residente at mga kabataang estudyante.
Dahil sa hinaing ng mga apektadong residente, kaagad na sumulat ang pamunuan ng barangay sa Pamahalaang Bayan ng Marilao, DILG, Municipal Planning and Development Office, pulisya at iba pang nakakasakop sa batas nito hinggil sa patuloy na paglabag sa batas at iminungkahing agad na ipasara ang naturang establisimyento.
- Latest