8 tripulante minasaker sa dagat
MANILA, Philippines – Walong tripulante ang napatay habang pito naman ang nakaligtas makaraang ratratin ng mga hindi kilalang kalalakihang lulan ng dalawang speedboat ang bangkang pangisda sa karagatan ng Laud Siromon sa Barangay Dita sa Zamboanga City, Zamboanga del Sur noong Lunes ng gabi.
Ayon kay Task Force Zamboanga Commander Col. Juvymax Uy, kasalukuyang namamalakaya sa nasabing karagatan ang bangkang pangisda na pag-aari ng isang alyas Mumar ng Sangali, Zamboanga City nang lapitan at pagbabarilin ng mga hindi kilalang lalaki.
Ang nasabing bangka ay may 15 tripulante kung saan sa bugso ng pagpapaulan ng bala ay nasapul ang walo sa mga ito.
Samantala, nakaligtas naman ang pitong kasamahan makaraang tumalon at nakalangoy kung saan ang lima sa mga ito ay nasa Siromon Island at nasa ligtas na kalagayan.
Ang dalawa namang survivors na sina Nomar Sakandal at Kervin Banahan ay nasa kustodya na ng pulisya sa Barangay Sangali matapos masagip ng mga mangingisda.
Nabatid na ang nasabing pag-atake ay walang kinalaman sa terorismo at umano’y rido ng dalawang fishing groups.
Posibleng extortion ang isa sa motibo kung saan patuloy na inaalam ng mga awtoridad.
“Motive of the gunmen was said to be personal grudge between two fishing groups and another angle considered is extortion,” anang opisyal.
Nabatid na ang insidente ay ini-report sa mga awtoridad kahapon ng umaga ni Chairman Daud Bakil ng Barangay Sangali sa Zamboanga City.
“The Joint Task Force Zamboanga is now closely looking and monitoring the developments in the area. The Marine Battalion Landing Team-11 is also currently in the area to assist the police as investigations are ongoing,”pahayag pa ng opisyal. Dagdag ulat ni Doris Franche-Borja
- Latest