Bomba sa bus terminal, napigilang sumabog!
NORTH COTABATO, Philippines - Masuwerteng hindi sumabog ang isang improvised explosive device o IED na isinilid sa isang bag na iniwan sa terminal ng bus sa Shariff Aguak lalawigan ng Maguindanao kahapon.
Ayon kay 601st Brigade Philippine Army Commander Col. Lito Sobejana, agad silang rumesponde sa lugar matapos na makatanggap ng impormasyon mula sa mga concern citizen pasado alas-11:00 ng umaga.
Nang suriin ng Explosive ordnance disposal ang naturang bag, narekober nila ang 60mm mortar high explosives, one MK-2 type ng hand grenade, 250 mg ng gasoline, dalawang blasting cap, 9-volts battery at cell phone.
Ilang “missed calls” naman ang natanggap ng naturang cell phone na direktang nakakonekta sa naturang IED.
Bunsod nito, pinaniniwalaan na talagang planong pasabugin ang iniwang IED.
Naniniwala si Col. Sobejana na may mali sa koneksyon ng naturang IED o posibleng hindi mga binatilyo o hindi mga expert ang sangkot rito.
Base sa salaysay ng mga testigo, isang lalaki na hindi masyadong katandaan ang kanilang napansin na nakasakay sa Husky Bus mula sa Cotabato City na may dalang gray backpack. Dito na nila napansin na isang bag ang iniwan pagkarating sa Shariff Aguak terminal.
Agad namang na-diffuse ng EOD team ang naturang IED pasado ala-una ng hapon.
- Latest