Pulis tiklo sa P.6-M robbery
BULACAN, Philippines – Kaagad na naresolba ng pulisya ang kaso ng panghoholdap sa kilalang supermarket sa bayan ng San Ildefonso, Bulacan noong Martes ng umaga matapos na maaresto ang isang pulis kamakalawa ng gabi.
Nakatakdang kasuhan ang suspek na si PO3 Nolasco Juan, dating nakatalaga sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Plaridel habang tinutugis naman ang dalawa nitong kasabwat na pansamantalang hindi ibinunyag ang pagkakakilanlan.
Sa ulat na nakarating kay P/Supt. Angel Garcillano, dakong alas-7 ng gabi nang arestuhin ang suspek habang naka-duty sa main gate ng Kampo Alejo Santos sa Malolos City, Bulacan.
Base sa tala ng pulisya, hinoldap ni PO3 Juan ang kawani ng supermarket na si Joan Gallido na may bitbit na P.6 milyong na ididiposito sana sa banko sa Barangay Poblascion, San Ildefonso.
Gayon pa man, tinangkang saklolohan ng security escort na si Ramon Dimalanta subalit pinagtulungang gulpihin ng dalawang kasabwat ni PO3 Juan saka tumakas ng mga suspek lulan ng motorsiklo.
Nakilala ang mga suspek matapos rebisahin ang footages ng CCTV camera kung saan isa sa pangunahing suspek si PO3 Juan na positibong kinilala ng mga biktima.
Nabatid din na si PO3 Juan at dalawang iba pang pulis ay may nakabinbing kasong robbery sa bayan ng Plaridel noong Nobyembre 19, 2015.
- Latest